Muling umapela ang Diocese of Dumaguete sa pamahalaan na paigtingin ang pagresolba sa kaso ng Pamplona Massacre na ikinasawi ni Pamplona, Negros Oriental, Governor Roel Degamo at siyam na iba pang indibidwal.
Sa unang anibersaryo ng insidente nitong March 4, binigyang diin ni Bishop Julito Cortes na hindi pa ganap ang katarungang nakamit ng mga biktima gayundin ang patuloy na pamamayani ng takot at pagkakahati-hati ng mamamayan.
“Let us renew our support for and appeal to local and national government authorities to continue working for the full resolution of this case, that truth, justice, and genuine peace may reign again this year (2024) in Negros Oriental,” ani Bishop Cortes.
Ayon kay Bishop Cortes bagamat unti-unting nanumbalik sa normal ang sitwasyon sa lalawigan lalo na ang paghahanda sa nalalapit na 2025 mid-term elections ay marami pa ring naghahangad ng tunay na katarungan at kapayapaan sa rehiyon.
“Some of the suspects may have been arrested, cases may have been filed, and several decisions have been made. But the resolution is not yet in sight. And what have been done so far are not enough to quench our thirst for lasting peace,” ani ng obispo.
Patuloy na pinaghahanap ng batas ang itinuturong mastermind sa krimen na si dating Negros Oriental 3rd District Representative Arnolfo Teves na hinihinalang nagtatago sa ibayong dagat.
Nitong February 8, 2024 ay ipinag-utos ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 51 sa Department of Foreign Affairs (DFA) na kanselahin ang passport nito kasabay ang apela sa ahensya at sa National Bureau of Investigation sa mga hakbang na mapauwi sa Pilipinas si Teves.
Agosto 2023 nang ituring na terorista si Teves ng Anti-Terrorism Council (ATC).
Kabilang naman sa nahuling suspek na sinampahan ng kaso sina Joric Labrador na dating army na taga Cagayan De Oro; Ex-army ranger Joven Aber ng Robles, Castellana, Negros Occidental; Benjie Rodriguez ng Mindanao; at ex-army Osmundo Rivero ng Zamboanga City habang napaslang naman sa hot pusuit operation ang isang suspek na si Arnil Labradilla na hinihinalang dating kasapi ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).
Nag-alay ng panalangin si Bishop Cortes sa kapayapaan ng kaluluwa ng mga biktima ng Pamplona massacre noong March 4, 2023.
“Today, as we offer prayers for the eternal rest of the souls of those who perished through that evil act on March 4, 2023, in Pamplona, let us also pray for the strength of their bereaved families, for the healing of other victims, and for the conversion of hearts of the perpetrators and their masterminds,” giit ni Bishop Cortes.